
JUSTICE FOR KRISTEL TEJADA!
EDUCATION IS A RIGHT NOT A PRIVILEGE!
Ginimbal tayong lahat ng balita ng pagpapakamatay ng isang UP Manila student, ang dahilan, hindi siya pinayagan na makapag-exam dahil hindi niya nabayaran ang kanyang tuition fee na nagkakahalaga ng sampung libo. Sapilitan rin siyang pinag-file ng Leave of Absence o LOA dahil pa rin sa di-pagbabayad.
Habang binabasa ko ang article tungkol dito hindi ko maiwasan ang maluha, mangilabot at magalit.
Natatandaan ko pa noong ako ay isa pa lamang estudyante. Alam ko ang pakiramdam kapag malapit na ang bayaran ng matrikula at halos hindi ko alam kung makakapagbayad ba ako.
Ako ay nanggaling rin sa isang State University – ang PUP. Bagamat di-hamak na maliit ang aming tuition kumpara sa lahat ng mga State U dito sa bansa, ay hindi pa rin ligtas ang ilang mga “iskolar ng bayan” sa pamomroblema kung saan kukuhanin ang pambayad dito. Kahit pa nga sa PUP, maraming estudyane pa rin ang napipilitang maging working student kasi kailangan ng pang-tutition. Kung tutuusin, napakaliit na ng limandaang piso para sa pang-tuition pero mayroon at mayroon pa ring mga isko at iska ang natutuliro sa panahon ng bayaran laluna ang mga estudyanteng nagmula sa mga mahihirap na pamilya at mga nanggaling pa sa probinsya na nangangarap na makapagtapos ng pag-aaral upang masuklian ang hirap ng kanilang mga magulang.
I remember this joke about students from four universities, it goes something like this: Nag-uusap ang mga taga Ateneo, La Salle, UST at PUP. Sabi ng mga Atenista, “Yung tuition n’yo pang-kape lang namin!” Sabi naman ng Lasalista, “Yung tuition n’yo pang-merienda lang namin!” Sabi naman ng taga-UST, “Yung tuition n’yo pang-gimik lang namin!” Sagot ng PUPian, “Yung finals n’yo seatwork lang namin!”
Noon, natatawa ako dito kasi PUPian ako. Alam ko sa sarili ko nakapasok ako sa PUP dahil matalino ako, hindi dahil sa may pambayad ako (no offense sa iba, alam ko na walang bobo, yun nga lang sa ibang paaralan mas matimbang ang phrase na “no money, no entry”). Pero ngayon kapag naalala ko ang joke na yun, nalulungkot ako. Dahil alam kong may mas malaking kahulugn ito. Kasi kahit sa mga State Universities, may bearing na rin ang kung magkano ang halaga ng nasa loob ng iyong pitaka.
Natatandaan ko nung kolehiyo ako, may mga kaklase ako na mga PGMA Scholar (panahon ito na president pa si Arroyo) na mula pa sa Bicol, at tandang-tanda ko kung paanong namomroblema sila sa tuwing panahon ng tuition fee dahil kahit ang dapat na kanilang buwanang allowance ay tatlong buwan nang huli! Kung tama ang pagkakatanda ko, nasa P1,000 ata o P1,500 ang kanilang allowance noon, at sa awa ng diyos natapos na ata ang semestre namin ay hindi naman ata nila nahawakan ang perang ito.
Kung sa PNU naman, ang alam ko nitong huli ay lumagpas na ata sa P1,500 ang kanilang tuition dahil sa tuloy-tuloy nitong pagtataas ng matrikula dahil sa Budget Cut. At ang mas malala pa, ay ang kasalukuyang nangyayari sa pinaka-kilala at pinaka-pinapangarap ng lahat ng estudyanteng pasukang paaralan – ang UP. Mayroon nang tinatawag na bracket system sa UP. Kung saan ang mga estudyante ay ihahanay ayon sa laki o liit ng kapasidad nito na makapagbayad ng matrikula. Hindi ko alam kung alin ang maswerte, ang mahanay ka sa bracket A na nasa P1,500 ang bawat yunit mo at ibig sabihin nito ay may pera ang pamilya mo at hindi ka nakakaranas ng kagutuman sa buong buhay mo o ang maihanay ka sa Bracket E na libre ang iyong matrikula dahil ang kahulugan nito ay oo nga matalino ka pero andun ka pa rin sa sinasabing below poverty line. Nung bata ako lage kong iniisip, dapat sa UP ako kasi pag nasa UP ka, automatic matalino ka, yun ang tingin ng bawat bata na nag-iisa at ultimong batayan para mapasok ka sa UP. Ngayon ata dalawa na, it’s either mahirap ka pero may utak ka or yung isa…(insert phrase here).

ANG EDUKASYON AY SERBISYO WAG GAWING NEGOSYO!
Sa aking nabasang balita, hindi ko maiwasan ang malungkot at maiyak pero higit pa ron, hindi ko maiwasan ang magalit.
Ang alam ko at ang pinaniniwalaan ko, pamula pa nong bata ako na dapat ang bawat isang bata ay nasa loob ng paaralan. Ang paniniwala ko, wala dapat mabuhay na mangmang, DAHIL ANG EDUKASYON AY ISANG BATAYANG KARAPATAN NINUMAN!
Ngunit ng mabasa ko ang artikulo na yun, isa lang ang naisip ko, hindi na ito batayang karapatan, hindi na ito serbisyo kundi isang negosyo!
EDUCATION IS A RIGHT NOT A PRIVILEGE! ANG EDUKASYON AY SERBISYO HINDI ISANG NEGOSYO!
Ang edukasyon ay hindi isang produkto na makukuha lamang kung may pambili ka nito. Ito ay isang serbisyo at higit sa lahat ay tungkulin ng gubyerno sa kanyang mamamayan. Walang sinuman ang dapat na gawing negosyo ito. Ngunit sa kasalukuyan, ginagawang produkto ang edukasyon at ng mga mag-aaral, tila ba ay namumuhunan ang mga mag-aaral ng pera para sa kanyang kaalaman.
Nung nasa kolehiyo ako, hindi ko alam kung bakit taun-taon ay lumalaki ang sinasabing Budget Cut at Tuition Fee o Miscellaneous Fee ng mga State U. Pero unti-unti ko itong natutunan.
Mula pa noon ay dinisenyo na ang Privatization ng Education. Mula sa pagpapagamit ng pasilidad nito sa mga commercial use at kung anu ano pa. Hindi nga ba’t minsan nang nagmukhang trade fair o kaya eh mukhang foodcourt ang catwalk ng PUP Main sa Sta. Mesa? O kaya naman ay ang mga kumpanya ng Call Center na nasa lupa ng UP sa Philcoa na pinaupahan sa kanila! At ang Budget Cut? Mula pa noong Administrasyon ni Arroyo, mas malaki na ang inilalaang pondo ng gubyerno para sa militar at gawaing militar. Hindi nga ba’t ang ma kadete ng PMA ay mas malaki pa ang kanilang allowance kesa sa mismong sweldo ng mga guro!
Sabi nga, sa bawat sampung batang magsisimulang mag-aral ay dalawa lamang rito ang makakatuntong at makakaabot sa kolehiyo at maswerte na kung pareho silang makatapos ng kolehiyo at isa lamang rito ang makakauha ng trabahong akma sa kanyang tinapos na kurso, pag no choice ka, call center ang bagsak mo matapos ang limang taong pag-aaral ng engineering at isang taong pagre-review para makapasa sa board exam!
Laluna ngayon, sa programang K+12 ng gubyerno ay inaakala nitong malulunasan ang problem sa sistema ng edukasyon. PWES, NAGKAMLI KAYO! Hindi kailanman ang dagdag na taon ang solusyon, kahit ilang taon ang idagdag sa pag-aaral ng bata ay hindi kailanman nito mapupunuan ang tunay na kakulangan. Ang kulang sa sistema ng edukasyon ay ang kawalan ng maayos na pasilidad ng mga paaralan, kakulangan sa mga guro dahil hindi natutugunan ng gubyerno ang mga nararapat na benepisyo nila kaya napipilitan silang umalis ng bansa o kung manatili man bilang guro rito ay mas natutuon ang kanilang pag-iisip sa kung paano madadagdagan ang kanilang iuuwing pera sa pamilya, ang kakulangan ng mga gamit gaya ng libro at iba pa, dapat na dagdagan ang budget na inilalaan para sa edukasyon, ang malaking agwat ng bilang ng estudyante kumpara sa guro ay lalong lumalaki at nagpapatuloy. Kahit sampung taon pa ang idagdag, hindi nito matutumbasan ang tunay na solusyon sa problema ng edukasyon! Sistema ng edukasyon ang may problema hindi ang bilang ng taon!
Sa nangyaring ito sa estudyante ng UP, lalo lamang ipinakita ng gubyerno ang kaalan nito pakialam at kawalang silbi sa usapin ng edukasyon.Kung tutuusin hindi n asana aabot pa sa ganito kung mayroong isang tiyak na maayos at magandang programa ang ating pamahalaan para sa edukasyon. At kung tinitiyak ng gubyerno na ang bawat bata ay makakapag-aral. Hindi pwedeng itanggi ng gubyerno ang kanyang tungkulin para sa edukasyon ng bawat isang mamamayan.
Isang kalunos-lunos na pangyayari, isang nakakalungkot at nakakagalit na pangyayari ang pagpapakamatay ng isang estudyante dahil siya ay pilit na inaagawan ng isang maliwanag na bukas. Walang iba pang dapat sisihin kundi ang mga taon nasa posisyon na mayroon sanang kapasidad na maitiyak na ang bawat isang bata o kabataan ay nakakapag-aral at hindi nade-deny ng karapatang ito. Nakakagalit isipin na dahil sa sampung libong piso ay isang buhay ang naging kapalit. Walang anumang pera ang kayang tumumbas sa kalungkutan ng isang ama at isang ina na nagdadalamhati sa pagkawala ng kanilang anak, walang anumang halaga ang kayang tumumbas sa isang pangarap at isang sana’y magandang bukas na hindi na kailanman maisasakatuparan.
Ako ay nakikiisa sa panawagan ng HUSTISYA PARA KAY KRISTEL TEJADA! HUSTISYA para sa lahat ng mga estudyanteng hindi man ang katawang lupa ang namamatay ay patuloy na nawawalan at kinamamatayan ng pangarap at pag-asa na sila sa darating na panahon ay magkakaroon ng isang buhay na maginhawa at masagana! HUSTISYA para sa mga talino at talentong hindi na kailanman malilinang dahil sa kahirapan at dahil sa kawalan ng oportunidad! At higit sa lahat, HUSTISYA para sistema ng EDUKASYON!

FIGHT FOR A BETTER EDUCATION SYSTEM!
FIGHT FOR OUR RIGHTS TO FREE EDUCATION!
ANG EDUKASYON AY BATAYANG KARAPATAN NG MAMAMAYAN AT HINDI PRIBILEHIYO NG IILAN!
ANG EDUKASYON AY SERBISYO, WAG GAWING NEGOSYO!
* http://yndnational.wordpress.com/
Like this:
Like Loading...